
dear kuya noel
kumusta kayo dyan at sana nasa mabuting kalagayan ka at iyong mag-anak.
pasensya na kung barok-barok ang aking Tagalog. kahit matagal ko nang gustong mangumusta sa yo, di ko kinalakihan ang managalog, malayo ang probinsya ko. Ganunpaman, sisikapin kong kwentuhan ka ng buhay New Zealand.
***** ***** *****
matagal-tagal na rin ako sa New Zealand. Lahat ng klaseng trabaho nasubukan ko na, di pinagkakailang may mga angking-husay akong natutunan sa Pilipinas. Hammer hands, scaffolder, kahit dishwasher pinatulan ko. Twing nawawalan ako nang trabaho, iniisip ko na lang na may mas magandang job na naghihintay sa akin.
Pero madaling mawalan nang tyempo (momentum) rito sa New Zealand, kahit puno nang yaman at oportunidad ang bansang ito. Di pa gaanong kahirap makapasok nun dahil sa aking recruitment agency, pero pahirap nang pahirap manatili dahil sa kung anu-anong dahilan.
***** ***** *****
Bago pa nalugi yung una kong employer, pinagtulungan kami ng may-ari at agency halus ubusin ang maliit na sweldo namin, kundi pa sa tulong nang aking manugang ay di ko alam kung paano makakaraos ang aking mag-ina.
Nung nakahanap na ako ng kapalit na work, sinikap kong ipakitang deserving ako sa last chance kahit 1 year visa lang nabigay sa akin, pero agad kong napansing pinaka mahirap, mabigat at maruming trabaho binibigay sa akin, at sa akin lang; na kapag maagang umuwi mga kasama, di na rin ako makapagtrabaho at kapos ang 8 hour ko, at di rin ako nabibigyan ng holiday pay kahit kasama yung sa benepisyo ng work visa holder.
***** ***** *****
OK lang naman mga pabigat na to, sanay naman tayo sa hirap. Pero nung unang lockdown, di binigay nung employer yung ayuda o wage subsidy, kahit alam naming may natanggap sila mula sa gobyerno. Nung pangalawang lockdown naman, sinabi lang ng employer na di nila kukunin ang wage subsidy, kahit kailangang kailangan namin ang ayuda.
Matagal at di ko na maalala kuya, pero dito lang sa New Zealand kong natutunan magtago sa isang sulok para umiyak, para sa aking mga minamahal at di matulungan sa Pilipinas, para sa aking pamilyang kapus lagi dahil sa king sitwasyon, at para sa aking sarili na di maiwan ang aking work visa status. kung WV ka, walang kasiguruhan ang buhay sa New Zealand.
***** ***** *****
Laking gulat na lang namin nung nag-anunsyo ang Prime Minister katapusan ng last month na kung may 3 taon ka na rito at may valid work visa ka, may tsansa ka nang maging permanent resident.
Kahit wala akong pangarap na maging PR rito nung bagong dating pa lang, sa tinagal ko sa New Zealand ay minsan rin akong nangarap na dalhin ang aking mag-ina para pakinabangan ang kalinisan, kagandahan at kaayusan ng pamamalakad ng bansang natutunan ko nang mahalin.
di ko na tatanungin kung bakit ngayon lang kami nabiyayaan nitong blessing o kung anong basehan kung sino ang nabigyan at di naswerteheng maPR. nagpapasalamat na lang ako sa Diyos Maykapal.
Kahit di ko inakalang babawiin ang aking hirap, pagod at puyat nitong 5 taon, mahal din pala ako ng New Zealand.
Maraming salamat sa pag-basa nitong liham Kuya.
tagapagbasa mo lagi
Jhunjhun

