Dear Noel
Apologies in advance for not using Kuya or Tito, di ko sure if I’m older or younger than you, whether we’ve actually met or know each other, or such. All I know is, regardless of your back story, I’ve made more mistakes than you.
***** ***** *****
Lolo ko sabungero, tatay kong seaman nakaiwas sa sabong pero naubos din yung inipon sa pagiging seaman sa mahjong at casino nung nakabalik galing barko. Di ko na maalala kailan akong unang na expose sa sugal. Di na malaking hakbang (big step) sa akin nung natuto akong magcasino. Nung unang naurot at nalimas ang kakaunting kinita ko sa pagbabuy and sell, humingi akong tawad sa asawa at pamilya, at nagOFW para makaiwas sa lahat.
***** ***** *****
After 5 years at naidisiplina kong iderecho lahat ng kita sa Pilipinas, naipundar ko na ang bahay namin sa probinsya at pang kinabukasan ng aming munting mga bubwit.
Nagkaruon uli ng problema nung naitapos ko na ang kontratang OFW at nagscaffolder sa New Zealand. Imbes na dumerecho sa asawa ko ay dumadaan muna sa kin ang sweldo. Medyo kinabahan ako sa sitwasyon pero dahil 5 taon na rin mula akong nakarecover mula sa sugal, akala ko ay may control na ako . Laking mali pala nung akala kong yon.
Pangalawang source ng tentasyon dito sa New Zealand, na di na siguro lingid sa yo bro, ay sa mga malalaking siyudad ay may casino. Di pa ito nagsasara 24/7, at twing sweldo ay lahat ng klaseng libangan na sinubukan kong gawin ay walang laban dito sa casino.
***** ***** *****
Una ay binabawasan ko lang ng $50, $100 hanggang kalahati ng sweldo ay nakalaan na sa sugal. Gulat, galit at luha ang salubong ni Mrs mula sa unang pagbawas ng sweldo hanggang sa huli.
Natauhan na lang ako nung pati baon ng anak na walang kalaban-laban ay kinakaltas ko sa kakarampot na kita.
Alam mong pambaon na lang at pamalangke ang natitirang pinapadala mo, binawasan mo pa, paiyak na tugon ni Mrs, at kahit na anong paliwanag ko na nabawasan ng oras, binaba rate ko at kung ano ano pang alibi ay di nya pinaniwalaan. At tutoo naman, dahil kahit ako ay di maniniwala sa sarili kong sinungaling.
Di ako tumigil ng work, pero tumigil na ako ng lahat ng pang-araw araw kong gawain Noel. Di na ako nakipag inuman sa mga kasama sa work team, kahit sila pa ang naglilibre. Ayaw ko na ring makipaglibang sa mga dating kasama. Lumayo na ako sa lahat ng pwedeng source ng tukso.
Instead, kausap ko na lang mga magulang ko at kapatid kong kahit kailan ay di humusga sa akin at lahat kong pagkukulang. Di nila pinalusot ang aking mga ginawa, pero di rin nila ako sinumbatan at siningil sa mga naunang tulong at pagtitiwalang di na ako babalik sa dating gawi.
***** ***** *****
Two weeks akong walang kausap Noel. Tiniis kong kausapin mag-ina ko hanggang nakumbinse ko muli na kaya ko nang di pumuna sa casino, di magslot machine at di magonline .
Anim na buwan na mula nung huli kong dalaw sa casino. 6 months na rin mula nung na-surrender ko ATM ko sa kaibigan kong nagwi withdraw ng pang-araw araw ko. Mahirap, pero magaan ang loob ko.
hypocrite ang lipunan pagdating sa sugal Noel. Ayaw nila tayong maging adik sa sugal, pero andali-daling daan papuntang casino. Kahit anong inuman ay may pokies (slot machine). At pauutangin ka pa kung adik ka na sa online.
Para sa akin, ang sakit ng indibidwal ay sakit ng lipunan. Tanging Diyos lang at gabay ng pamilya ang makakatulong sa atin. Instead of stopping gambling addiction, better not to start at all.
Mabuhay ka, God bless us all.
isang kaibigan,
Nico